Nais ni Sen. Joel Villanueva na rebisahin ang mga polisiyang ipinatutupad ngayon ng Bureau of Immigration kaugnay sa deportasyon.
Layun nito na matiyak na hindi na makakatakas at muling makakabalik sa Pilipinas ang mga dayuhang ipinatapon na pabalik sa kanilang bansa.
Ang pahayag ni Villanueva ay kasunod ng pagbubunyag ni Sen. Risa Hontiveros na may tatlong POGO bosses ang hindi nakabalik sa China dahil biglang nawala ang mga ito sa lay-over ng flight sa Hong Kong.
Sinabi ng senador na hindi mangyayari ang ganitong insidente kung ginagampanan ng BI ang kanilang tungkulin nang maayos.
Bago ang pagtakas ng tatlong POGO bosses, nanawagan na ang Presidential Anti-Organized Crime Commission sa deportation unit ng BI na tiyaking direct flight ang biyahe ng mga deportees at wala nang lay over.
Sumulat na rin umano ang Chinese Embassy sa PAOCC at sa BI para tiyaking makakarating sa China ang mga ipinadedeport na Chinese.