Naka-ditine na sa Kamara si Police Colonel Hector Grijaldo bunsod ng contempt order laban sa kanya dahil sa paulit-ulit na hindi pagsipot sa pagdinig ng Quad Committee kaugnay ng drug war sa nakalipas na Duterte administration.
Ayon kay House QuadComm Lead Chairperson, Surigao del Norte Cong. Ace Barbers, naaresto si Grijaldo nang magpa-checkup ito sa isang ospital noong Sabado.
Aniya, humingi sila ng tulong mula sa PNP at House Sergeant-At-Arms sa pagpapatupad ng contempt at arrest orders laban sa Police official.
Humirit pa aniya si Grijaldo na isailalim nalang ito sa hospital arrest, subalit hindi nila pinayagan dahil nakapaglalakad ito at maaaring lumabas.
Una nang inakusahan ni Grijaldo ang quadcomm na pinilit siyang kumpirmahin ang testimonya ni Ret. Pol. Col. Royina Garma tungkol sa pagbibigay ng reward money sa mga pulis na nakapagpatumba ng drug suspects. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera