Nilinaw ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro ang naging pahayag ni Senador Koko Pimentel hinggil sa nakalilito umanong desisyon ng alkalde sa tatakbuhan nitong posisyon sa Halalan 2025.
Sa press conference ni Pimentel, sinabi nitong inanyayahan siya ni Teodoro na sumali sa kanilang alyansa, at tumakbo bilang kongresista ng 1st District ng Marikina City.
Ito aniya ang dahilan kung kaya nagpalipat ng voters registration ang alkalde sa ikalawang distrito, subalit nito lamang September 26, nag-file umano si Teodoro ng rehistro pabalik sa District 1 at tumakbo bilang kongresista ng naturang distrito.
Dahil dito, makakalaban ni Teodoro sa parehong posisyon si Pimentel.
Binigyang diin ni Teodoro na sa pamamagitan ng text message na ipinadala ng senador tatlong buwan na ang nakalipas, ipinarating ni Pimentel ang kanyang intensyong kumalas sa kanilang alyansa.
Sa dahilang mas magiging maayos daw ang kanilang pagkilos kung wala sila sa alyansa at upang mapanatili ang relasyon sa parehong Teodoro at Quimbo.
Ginalang lamang aniya nila ang desisyon ni Pimentel kaya napilitan itong maghanap ng kandidato para sa 1st District.
Dito na aniya nagpasya si Teodoro na sumabak na Kongresista, kung saan nagsilbi siyang kinatawan mula 2007 hanggang 2016.
Bahagi ng legislative agenda ni Teodoro ang tututukan ang climate change, proteksiyon sa kalikasan, pagsasabatas ng comprehensive land use plan, pangangalaga ng protected areas at pagpapalakas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.