Nagtatag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng one-stop system para sa pagdudulog at pag-aksyon sa pang-aabuso at iba pang paglabag sa karapatan ng mga bata.
Sa Executive Order no. 79, nilikha ang Mahalin at Kalingain ating mga Bata (MAKABATA) Program.
Ito ang tututok sa lahat ng insidente kaugnay ng mga batang mangangailangan ng ispesyal na proteksyon, at pangungunahan ito ng Dep’t of Social Welfare and Development.
Kabilang sa mga tungkulin nito ay ang reporting, rescue and relief, rehabilitasyon, at reintegration para sa mga menor de edad na walang kakayanang ipagtanggol ang sarili dahil sa pisikal o mental na kondisyon, at mga biktima ng pang-aabuso, pagpapabaya, exploitation, pagmamalupit, diskriminasyon, karahasan, gayundin ang child labor, online sexual abuse, child trafficking, at iba pang bagay na makasasama sa kanilang paglaki.
Kasama rin dito ang mga batang pasaway sa batas, mga nasa alternative care, at mga batang may human immunodeficiency virus.
Inatasan din ang mga kaukulang ahensya na magtalaga ng kanya-kanyang makabata coordinators, focal persons, at child protection officers, habang pinabubuo rin ang makabata program handbook at MAKABATA multi-disciplinary teams. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News