Lumikha si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng bagong tanggapan at posisyon na tututok sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Sa Executive Order no. 78, itinatag ang Office of the Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation and Development.
Nakasaad sa EO na bagamat na-dissolve o binuwag na ang Task Force Bangon Marawi, inaatasan pa rin ang iba’t ibang ahensya na kumpletuhin ang mga nalalabing programa, aktibidad, at proyekto sa ilalim ng Bangon Marawi Comprehensive Rehabilitation and Recovery Program.
Kaugnay dito, magiging tungkulin ng bagong tanggapan na magbigay ng payo sa Pangulo kaugnay ng mga polisiya at plano para sa pagsasaayos at pagbabalik ng kapayapaan sa Marawi City, pagbabantay sa mga istratehiya at programa, pakikipagtulungan sa mga kaukulang LGU, at iba pang trabaho.
Pamumunuan ito ng Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation, at mapapasailalim ito ng kontrol at superbisyon ng Office of the Special Assistant to the President.
Ididikit na rin dito ang Marawi Compensation Board. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News