Kasabay ng selebrasyon ng Chinese New Year ay dadalo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa itinuturing na pinaka-malaking career fair sa bansa.
Alas-11 ng umaga inaasahang darating ang Pangulo sa SMX Convention Center sa Pasay City, para sa Jobstreet Career Con 2025.
Makikibahagi ang mahigit 150 employers mula sa major enterprises, alok ang 8,525 na job vacancies.
Nasa 17,000 aplikante naman ang inaasahang makikiisa rito.
Itatampok din sa job fair ang stop-shop government services, resume clinic, resume ID photobooth, candidate talks at masterclasses, on-the-spot hiring at interviews, at seek summit para sa upskilling masterclass sa middle management at business-to-business networking.
Pangangasiwaan ito ng Jobstreet sa pakikipagtulungan sa Dep’t of Labor and Employment.
Magiging bahagi rin ng aktibidad ang Project DOLE Action Plan and Transition o DAPAT, alinsunod sa utos ng Pangulo na tulungang makahanap ng trabaho ang mga Pinoy na nawalan ng trabaho dahil sa pag-ban sa internet gaming licensees. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News