dzme1530.ph

Paratang ni Sen. Gatchalian, kinontra ni Mayor Guo

Kinontra ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ang panibagong alegasyon sa kanya ni Sen. Sherwin Gatchalian na posibleng siya ay si Guo Hua Ping na isang Chinese.

Sa kanyang statement na ipinadala sa Senado, iginiit ni Guo na hindi niya alam o wala siyang kinalaman sa mga dokumentong ipinakita ni Gatchalian na mula sa Board of Investments at Bureau of Immigration.

Nanindigan ang Alkalde na ang kanyang tunay na ina ay si Amelia Leal at ang kanyang totoong pangalan ay Alice Leal Guo batay sa kanyang birth certificate.

Binigyang-diin pa ng Alkalde na mayroon siyang Philippine passport na inissue ng DFA at kumukuha rin ng Chinese visa tuwing magtutungo sa China.

Mayroon din anya siyang mga negosyo, personal properties, at lupa sa Pilipinas at nagbabayad ng buwis.

Iginiit pa ni Guo na nanalo siya bilang alkalde dahil siya ay isang lehitimong residente ng Bamban, Tarlac.

Binigyang-diin din ni Mayor Guo na bagamat walang direktang probisyon sa batas na nagsasaad na ang isang tao ay awtomatikong mamamayan ng bansang kanyang tinitirhan, may mga mekanismo upang maiwasan ang statelessness.

Tiniyak din ni Guo ang kahandaang humarap sa anumang proceedings sa proper forum upang patunayan ang kanyang citizenship.

About The Author