![]()
Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mahigit dalawang milyong kawani ng gobyerno na pangalagaan ang tiwala ng publiko at patatagin ang kultura ng mabilis, may pananagutan, at mahusay na serbisyo publiko.
Sa gitna ito ng pagdiriwang sa bansa ng ika-isangdaan dalawampu’t anim na anibersaryo ng Philippine Civil Service.
Sa kanyang mensahe sa Civil Service Commission (CSC), binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng civil service sa pagtiyak ng pagpapatuloy at katatagan sa pamahalaan sa paglipas ng magkakasunod na administrasyon at sa pagtugon sa mga nagbabagong pangangailangan ng bansa.
Tinukoy ni Marcos ang merit system na nagtataguyod sa propesyonalismo at pagkakapantay-pantay sa government employment, pati na ang accountability standards sa pamamahala sa public office, bilang pundasyon sa isang matatag na pambansang byurokrasya.
Hinikayat din ni Pangulong Marcos ang mga kawani ng pamahalaan na isipin nang mabuti ang pagpapahalagang kailangan para epektibong mapaglingkuran ang mga Pilipino, nang may malasakit, karangalan, at kahusayan.
