![]()
ISINUSULONG ni Senador Risa Hontiveros ang panukalang naglalayong magkaroon ng ceiling o limitasyon sa pagtataas ng singil sa kuryente kapag may state of emergency o kalamidad.
Layunin nito, ayon kay Hontiveros, na mabigyan ng proteksyon ang mga consumer laban sa malalaking pagtaas ng presyo ng kuryente sa panahon ng krisis at emergency, tulad ng kasalukuyang katayuan ng bansa.
Simula pa noong Marso, nasa state of national energy emergency ang bansa bunsod ng tensyon sa Middle East.
Sa Senate Bill 2361, nais ni Hontiveros na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 upang mabigyan ang Pangulo ng kapangyarihang magtakda ng price ceiling o hangganan sa maaaring itaas sa presyo ng kuryente kapag may krisis o kalamidad.
Nakapaloob din sa panukala ang pagpapairal ng 90 araw na moratorium o pagbabawal sa disconnection ng kuryente at pagbibigay sa Pangulo ng kapangyarihang obligahin ang distribution utilities na mag-alok ng deferred payment schemes sa residential consumers at micro, small, and medium enterprises.
Bibigyan din ng pahintulot ang mga consumer na magbayad muna ng average monthly bill sa kuryente sa loob ng tatlong buwan habang ipinoprotesta ang paglobo ng bayarin.
Ipinaalala pa ni Hontiveros na hindi luho kundi pangangailangan ang kuryente, at hindi dapat hayaang walang kontrol ang gobyerno sa pagtataas nito kapag nasa kalamidad o emergency ang bansa.
