dzme1530.ph

PAGSUSULONG NG PANUKALANG SOCIAL MEDIA BAN SA MGA EDAD 16 PABABA, IPAPRAYORIDAD NG SENADO

Loading

NANGAKO ang mga senador na ipaprayoridad nila ang pagtalakay at pagsasabatas ng mga panukalang naglalayong ipagbawal na ang paggamit ng social media sa mga 16 years old pababa.
 
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na malinaw sa mga scientific research sa iba’t ibang bansa na naaapektuhan ng social media ang mga bata at nahihikayat silang gumawa ng karahasan at krimen.
 
Ipinaliwanag ni Gatchalian na apektado rin dito ang mental health at kaligtasan maging ng pamilya at komunidad.
 
Bunsod nito, iginiit ng senador na panahon nang iprayoridad ng Senado ang mga panukalang Social Media Ban, partikular ang kanyang Senate Bill 2066.
 
Kinatigan ito ni Senate Majority Leader Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri sa pagsasabing dapat magkaroon ng political will at gayahin ang social media ban for minors sa England, France at iba pang bansa sa Europa dahil lubha na anyang nakakaalarma ang masamang epekto nito sa kaisipan at pag-uugali ng mga bata.
 
Binigyang-diin din ni Zubiri na hindi lang socmed ang dapat ipagbawal kundi maging ang mga bayolenteng online games gaya ng mga barilan dahil ito ang ginagaya ng mga bata.
 
Ito anya ang lumitaw sa imbestigasyon sa mga batang namaril sa loob ng eskwelahan sa Zamboanga City at sa Tacloban City.
 
Sa kanyang panig, sinabi ni Senador Robin Padilla na bilang chairman ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, isusumite niya sa plenaryo ng Senado sa mga susunod na linggo ang panukala na naglalayong ipagbawal sa menor de edad ang socmed, bayolenteng online games, websites at online communities na nag-uudyok ng karahasan tulad ng True Crime Community.
 
Binigyang-diin ni Padilla na clear and present danger na itong maituturing sa mga kabataan.

About The Author