Kumpiyansa si Sen. Sherwin Gatchalian na makakaakit ng mas maraming turista ang Pilipinas sa inaasahang pagsasabatas ng Value-Added Tax (VAT) refund para sa turismo habang papalapit ang tinatawag na seasonal peak sa panahon ng Pasko at Bagong Taon.
Sinabi ni Gatchalian na umaasa siyang maisasabatas na ang panukala kasabay ng year-end holidays kung kailan maraming turista ang pumupunta sa Pilipinas.
Sinabi ni Gatchalian na ang pagsasabatas ng panukala ay inaasahang magpapahusay sa tourism competitiveness ng bansa sa buong Asya at magpapasigla sa lokal na industriya ng turismo, lalo na’t marami nang mga kapitbahay sa rehiyon ang matagal nang nagpapatupad nito.
Batay sa datos ng Department of Tourism (DOT), ang international visitor arrival para sa unang kalahati ng taon ay umabot sa mahigit 3 milyon.
Nasa 7% ang pagtaas na ito mula noong nakaraang taon.
Ayon sa DOT, ang South Korea ang nananatiling top source market kung saan 824,798 ang mga bisitang nakakapasok ng Pilipinas mula sa South Korea, o 26% ng kabuuang bilang.
Sinusundan naman ito ng Estados Unidos na may 522,667 o 16.7%; China na may 199,939 o 6.3%; Japan na may 188,805 turista o 5.9%; at Australia na may 137,391 o 4.3%. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News