![]()
Hinikayat ni Senate Labor Committee Chairman Joel Villanueva ang pamahalaan na pabilisin ang pagpapatupad ng Trabaho para sa Bayan o TPB Plan, matapos maitala ng Philippine Statistics Authority o PSA ang pagtaas ng unemployment rate sa bansa.
Ayon kay Villanueva, umabot sa 4.9 porsyento ang unemployment rate noong Hunyo 2026, katumbas ng 2.59 milyong Pilipino.
Sinabi ni Villanueva na dapat nang mas mabilis na maisakatuparan ang Trabaho para sa Bayan Act, na kanyang pangunahing inakda at inisponsor sa Senado, upang magkaroon ng pangmatagalang pambansang istratehiya para sa paglikha ng mga dekalidad at matatag na trabaho.
Ayon kay Villanueva, ang mga numero ay hindi lamang mga statistical figures dahil kumakatawan ang mga ito sa mga pamilyang nahihirapang pagkasyahin ang kanilang kita, mga graduates na naghahanap ng unang trabaho, at mga manggagawang hindi tiyak kung saan kukunin ang susunod na sweldo.
Tinukoy din ni Villanueva ang mataas na cost of doing business bilang isa sa mga bagay na nakaaapekto sa paglikha ng mga trabaho.
Hinikayat din niya ang mas mahigpit na koordinasyon sa Department of Labor and Employment, Department of Trade and Industry, Department of Agriculture, Technical Education and Skills Development Authority, at iba pang ahensiyang may kaugnayan sa paglikha ng trabaho.
Bibigyang-prayoridad, ayon sa senador, ang mga sektor na pinakamalaking nawawalan ng trabaho upang agad na makapagbukas ng mas maraming disente at matatag na hanapbuhay para sa mga Pilipino.
Layunin din nitong matiyak na makatanggap ang mga manggagawa ng living wage at makapagbigay ng mas maayos na kinabukasan para sa kanilang mga pamilya.
