dzme1530.ph

Pagpapatupad ng reward system sa kampanya kontra droga, itinanggi ni dating Pangulong Duterte

Itinanggi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may ipinatupad silang reward system sa implementasyon ng war on drugs.

Sa pagharap sa Senado, sinabi ni Duterte kung bakit siya magbibigay ng reward sa mga pulis gayung trabaho nila ang manghuli at pumatay ng mga kriminal.

Pasaring pa ng dating Pangulo na kung may pondo para sa reward system ay mas magandang ibulsa na lamang niya.

Inamin naman ni Duterte na pinapakain niya ang mga pulis kapag may maganda silang trabaho.

Tinawag din niyang sinungaling si dating PCSO General Manager Royina Garma sa pahayag niyang nagpahanap siya sa kanya ng isang pulis na miyembro ng Iglesia Ni Cristo para pumatay ng mga drug lord.

Sinabi ni Duterte kung bakit siya tatawag kay Garma gayung marami namang pulis sa Davao na maaari niyang magamit. Hindi anya niya alam kung ano ang gustong palabasin ni Garma subalit wala anyang katotohanan ang lahat ng sinabi niya sa Quad Comm ng kamara. —ulat mula kay Dang Garcia

 

About The Author