![]()
Bago matapos ang ika-14 na araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, isinulong ni Senator Judge Juan Miguel “Migz” Zubiri na mailipat ang schedule ng impeachment trial sa hapon sa halip na gawin sa umaga.
Sa kanyang mosyon, ipinaliwanag ni Zubiri na kadalasang nabibitin ang pagdinig sa impeachment case dahil kinakailangan nilang mag-adjourn para naman sa afternoon session ng Senado.
Maaari anyang sa halip na alas-10 ng umaga ay ilipat sa alas-3 ng hapon ang impeachment trial na puwedeng gawin hanggang alas-10 ng gabi.
Sa ganitong paraan anya ay mapapabilis pa ang pagdinig dahil mas mahabang oras ang kanilang mailalaan.
Sa pahayag naman ni Impeachment Court Presiding Officer Francis Chiz Escudero, sinabi niyang maaaring mag-adjust ang korte kung kinakailangan subalit kailangang magkaroon ng ilang araw na notice sa lahat ng panig.
Hiniling naman ni Senator Judge Pia Cayetano na pag-usapan nila sa caucus ang usapin at hintayin din si Senator Judge Alan Peter Cayetano.
Sa pagdinig kanina, natapos na ang direct examination ng prosecution panel sa state auditor na si Xylene Mae del Campo kung saan iprinisinta ang ilang acknowledgment receipts para sa mga confidential fund.
Sa pagtatanong ni Atty. Lorna Kapunan, counsel for Prosecution panel, lumabas na ilan sa mga acknowledgment receipts ang may pirma subalit walang pangalan.
Inaasahan naman bukas ay isasalang sa cross-examination si del Campo at posibleng maisalang na rin si Marivic Pareja, chief ng Legislative Archives ng House of Representatives.
