dzme1530.ph

Pagkakaloob ng libreng legal assistance sa military at uniformed personnel, aprub na sa Senado

Lusot na sa Senado ang panukala kaugnay sa pagbibigay ng libreng legal assistance sa mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel na mahaharap sa kaso sa gitna ng pagtupad sa kanilang tungkulin.

Sa botong 21 na senador na pabor, walang tumutol at walang abstention, inaprubahan sa 3rd and final reading ang Senate Bill 2814.

Makikinabang sa panukala ang mga sundalo, pulis, bumbero, jailguards, mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Corrections, Philippine Coast Guard kasama na rin ang NAMRIA.

Nakasaad sa panukala na kadalasan ang nagiging kaso ng mga unipormadong tauhan ng gobyerno ay harassment lamang sa kanila.

Inihalimbawa pa sa PNP kung saan halos lahat ng kaso laban sa pulis ay na-dismiss makaraang mapatunayang harassment lamang ang motibo.

Sinabi ni Senate Committee on National Defense and Security Chairman Jinggoy Estrada, may-akda ng panukala na layon nilang mawala ang anumang alalahanin at pangamba ng uniformed personnels sa abala at gastos sa abogado kapag nahaharap sa kaso.

Nilinaw naman ni Estrada na hindi saklaw ng libreng legal assistance ang mga personal na kaso tulad ng karahasan laban sa babae at bata, away sa lupa at hindi pagsusustento sa pamilya. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author