dzme1530.ph

Pagdidiretso sa COMELEC ng aaprubahang Eco ChaCha Bill ng Kamara, i-proseso, ayon kay Sen. Angara

Kinontra ni Senate Subcommittee on Constitutional Amendments Chairman Sonny Angara si House Majority Leader Mannix Dalipe sa pahayag na ididiretso nila sa COMELEC ang Resolution of Both Houses no. 7 oras na ipasa ng Kamara.

Sinabi ni Angara na hindi sa COMELEC kundi dapat ay sa Senado ipadala ng Kamara ang kopya ng aaprubahang resolusyon para sa charter change.

Iginiit ng senador na sa kanyang pagkakaunawa, batay sa proseso ng bicameral system ng Kongreso ay dapat na isumite sa kabilang kapulungan ang anumang resolusyon o panukalang batas na inaprubahan ng Senado o Kamara.

Nangangahulugan ito na anumang resolusyon o panukala na pagtitibayin ng Kamara ay dapat na i-transmit sa Senado at hindi sa COMELEC.

Taliwas naman sa pagmamadali ng Kamara sa pagsusulong ng economic charter change, sinabi ni Angara na muli silang magsasagawa ng pagdinig sa panukala sa pagtatapos na ng Holy Week break.

Iginit ni Angara na inuna nilang talakayin at aprubahan ang mga LEDAC bills bago magsession break sa March 23.

About The Author