dzme1530.ph

Pagbaba ng inflation, suportado ng TRABAHO party-list

Loading

Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba ang inflation rate ng bansa sa 2.1% nitong Pebrero 2025 mula sa 2.9% noong Enero, na siyang pinakamababang antas mula Setyembre 2024.

Ang pagbaba ng inflation ay pangunahing dulot ng mas kontroladong pagtaas ng presyo sa pagkain at mga non-alcoholic beverage, pabahay at kuryente, pati na rin sa mga restawran at serbisyo sa akomodasyon.

Ayon kay TRABAHO Partylist spokesperson Atty. Mitchell-David L. Espiritu, ito ay isang magandang pagkakataon upang higit pang isulong ang mas mataas na sahod, karagdagang mga benepisyo, at mas malawak na oportunidad sa trabaho.

Aniya, dapat maramdaman ng mga manggagawa ang paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng mas matatag na seguridad sa trabaho at patas na kompensasyon kung kaya’t patuloy nilang paiigtingin ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor upang matiyak na makikinabang ang mga manggagawa.

Kasama sa kanilang mga hakbang ang pakikipag-ugnayan sa mga pribadong kompanya at industriya upang hikayatin ang mas maraming regular na empleyo sa halip na kontraktwalisasyon.

Sisiguraduhin din nilang natatanggap ng mga manggagawa ang nararapat na benepisyo tulad ng health insurance, retirement plans, at bayad na leave.

Dagdag pa ni Atty. Espiritu, isusulong din ng grupo ang paglago ng micro, small, and medium enterprises (MSME), na kinikilala bilang mahalagang bahagi ng paglikha ng trabaho sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga patakaran upang mapadali ang pagkuha ng pautang, grant, at insentibong pangbuwis para sa maliliit na negosyo at mga negosyante.

Matatandaang noong Enero 2025, sinuportahan ng TRABAHO Partylist ang inaprubahang pagtaas ng sahod sa 14 na Regional Tripartite Wage and Productivity Boards, na nakinabang ang halos limang milyong minimum wage earners sa buong bansa.

Sa mga susunod na hakbang, layunin nilang palawakin pa ang mga pagsasaayos sa sahod at mga benepisyong hindi saklaw ng sahod, lalo na sa mga manggagawang nasa matataas ang gastusing lungsod kung saan patuloy na ramdam ang epekto ng inflation.

About The Author