dzme1530.ph

NIRATIPIKAHANG BERSYON NG PANUKALANG NAGPAPALAWAK SA GASTPE ACT, PINAGTIBAY NG KONGRESO

Loading

Pinagtibay ng Kongreso ang niratipikang bersyon ng panukalang nagpapalawak sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education o GASTPE Act.
 
Sa ilalim ng panukala, palalawakin ang Basic Education Voucher Program upang saklawin ang mga kuwalipikadong mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 12.
 
Pangunahing may-akda ng panukala sina EDCOM 2 Co-Chairpersons Senador Bam Aquino at Joel Villanueva, kasama sina Representatives Roman Romulo at Jude Acidre, at iba pang EDCOM 2 commissioners.
 
Layunin ng reporma na gawing mas targeted, transparent, at data-driven ang sistema ng voucher, lalo na sa harap ng patuloy na kakulangan sa mga silid-aralan.
 
Batay sa datos ng DepEd, nasa 147,347 ang classroom backlog noong Setyembre 2025, habang may 1,889 na paaralan ang nagpapatupad ng double o triple shift noong School Year 2024-2025.
 
Sa ilalim ng bagong panukala, maaaring makatanggap ng Basic Education Voucher Assistance ang mga kuwalipikadong mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6.
 
Prayoridad ang mga mag-aaral na nasa mga public school na itinuturing ng DepEd na congested, mga nakatira sa mga lugar na walang malapit na public school, at mga nasa lugar na punuan ang mga paaralan.
 
Ayon sa EDCOM 2, tinatayang makatutulong ito sa may 121,035 mag-aaral, o 22.5 percent ng mga learner na nakararanas ng school congestion.
 
Inatasan din ang DepEd na magtayo ng public dashboard na maglalaman ng impormasyon tungkol sa mga private school na kasali sa programa, kabilang ang lokasyon, available slots, tuition fees, at posibleng top-up kapag mas mababa sa tuition ang halaga ng voucher.
 
Magkakaroon din ng nationwide school congestion mapping and strategic allocation framework upang magsilbing gabay sa pagpaplano at pagbabahagi ng voucher batay sa aktwal na pangangailangan ng mga paaralan.

About The Author