Ibinunyag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang umano’y misdeclaration ng tatlong batch ng imports mula sa Vietnam na nadiskubreng sugar based, batay sa inisyal na pagsusuri ng Sugar Regulatory Administration (SRA).
Sa media interview, isiniwalat ni Tiu Laurel na 88% sugar ang tatlong batch ng imports, kaya technically aniya ay asukal ang inangkat.
Gayunman, sinabi ng Kalihim na wala pa sa kanya ang final copy ng report at ang kanyang pinanghahawakan ay initial feedback pa lamang.
Una nang hinarang ng Bureau of Customs (BOC) ang shipment ng 14 na 20-footer container vans na idineklarang “sweet mixed powder” subalit naglalaman ng ₱30 million na halaga ng refined sugar.