![]()
Nagbigay ng kanilang buong suporta ang LTO Calabarzon sa isinagawang paglulunsad ng “Lifesaver on Wheels,” isang programa na naglalayong sanayin ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa Calaca City, Batangas, bilang mga first responder sa mga aksidente at emergency sa kalsada.
Tinatayang nasa 300 TODA members ang dumalo sa launching at seminar tungkol sa road safety, responsableng pagmamaneho at wastong pagtugon sa mga insidente. Susundan ito ng serye ng pagsasanay sa pangunguna ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) sa ilalim ng pamamahala ni Calaca City Mayor Nas Ona.
Ayon kay LTO CALABARZON Regional Director Elmer J. Decena, mahalaga ang ganitong programa dahil madalas na kabilang ang mga TODA members sa mga unang nakasasaksi sa mga insidente sa lansangan.
Sa pamamagitan ng tamang kaalaman at pagsasanay, maaari umano silang makatulong na mabilis na pagtugon at pagsagip ng buhay ng mga biktima ng aksidente o mga taong nangangailangan ng paunang tulong sa kalsada.
Layunin ng programa na palakasin ang ugnayan ng LTO at transport sector para sa mas ligtas, mas handa at mas responsableng komunidad sa CALABARZON.
