dzme1530.ph

BAWAT TRANSAKSYON NA MAY KINALAMAN SA CONFIDENTIAL FUND, ALAM NI VP SARA DUTERTE ; IMPEACHMENT TRIAL, POSIBLENG MATAPOS HANGGANG DISYEMBRE

Loading

KINUMPIRMA ni Lemuel Ortonio, assistant chief of staff ng Office of the Vice President sa impeachment court na nalalaman at may awtorisasyon ni Vice President Sara Duterte ang lahat ng transaksyon na may kinalaman sa confidential fund ng kanyang tanggapan.
 
Sa pagpapatuloy ng Day 18 ng impeachment trial, mismong si Impeachment Presiding Officer Francis Chiz Escudero na ang nagtanong kay Ortonio kung alam, inawtorisa at nasa ilalim ng superbisyon ni VP Sara ang lahat ng transaksyon sa confidential fund mula pag-request, pag-release, pag-encash, paggastos, pagliquidate at pagsagot sa Commission on Audit.
 
Sinabi naman ni Ortonio na batay sa kanyang mga impormasyon ay alam ng Bise Presidente ang confidential activities at kung paano ito ipinatutupad.
 
Kinumpirma rin ni Ortonio na lahat ng kanyang ginawa na may kaugnayan sa confidential fund ay alam at inawtorisa ng Pangalawang Pangulo.
 
Samantala, bilang tugon sa manifestation ni Senator Judge Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri, sinabi ni Escudero na kumpiyansa siyang matatapos nila ang pagtalakay sa impeachment case bago matapos ang taon.

Maglalabas din anya sila ng specific schedule sa impeachment trial para sa mga susunod na araw sa sandaling maglabas na ng kalendaryo ang Senate Finance Committee para sa kanilang budget hearings.

Tiniyak ni Escudero na dahil ang budget ang pinakamahalagang panukalang dapat nilang talakayin at ipasa ay kanila itong bibigyan ng oras at prayoridad.

About The Author