Bukas si House Speaker Martin Romualdez na bigyang subsidiya ang mga magsasaka, matiyak lang na hindi sila malulugi sa programang ibaba ang presyo ng bigas.
Ayon kay Romualdez, nakahanda ang Mababang Kapulungan na pag-aralan ang posibleng subsidiya o targeted assistance program, masiguro lang ang tamang kita ng magsasaka habang nananatiling abot-kaya ang presyo ng bigas.
Hinimok din nito ang Department of Agriculture at National Food Authority na magkaroon ng ‘close coordination’ upang mabantayan at hindi magkaproblema ang local rice production.
Kung kinakailangan umano ng pagbabago sa polisiya ay handa silang sumuporta matiyak lang na ang bawat Pilipino, lalo na ang mga magsasaka ay makikinabang.
Aminado ang House leader na hindi madali na pagsabayin ang interes ng mga magsasaka at mamimili, subalit kailangan ito para sa maayos na ekonomiya at siguridad sa pagkain.
Saad pa ni Romualdez, ang ‘end goal’ ng lahat ng ito ay “food security” na kapwa nagbebenepisyo ang producer o magsasaka at consumer.