Ginagamit sa reconnaissance at surveillance o pagkalap ng impormasyon ang natagpuang hinihinalang Chinese underwater drone sa Masbate, kaya’t may implikasyon ito sa National Security.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, inihayag ni National Security Council Spokesperson Asst. Director General Jonathan Malaya na lumabas sa inisyal na imbestigasyon na ito ay isang unmanned drone.
Kaugnay dito, iniimbestigahan at inaalam na ang pinagmulan ng drone gayong wala pang bansa ang umaangkin dito, at gayundin ang posibleng iba pa nitong motibo.
Sinusuri na rin ang drone kabilang ang mga nakasulat dito at iba pang ispesipikong bahagi.
Nakikipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa foreign counterparts upang makakalap pa ng karagdagang impormasyon.
Iginiit ni Malaya na ito ay nakababahala kaya’t dapat alamin kung saan ito nanggaling at kung ano ang ginagawa nito sa archipelagic waters ng Pilipinas. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News