![]()
IGINIIT ni Senate President Win Gatchalian ang pangangailangan ng gobyerno na agarang magpatupad ng mas agresibong hakbang upang pasiglahin ang lokal na ekonomiya kasunod ng mabagal na 2.1 percent gross domestic product (GDP) growth sa ikatlong quarter ng 2026.
Ayon kay Gatchalian, nagpapakita ang economic performance ng matinding epekto ng mataas na presyo ng enerhiya at ng matinding El Niño phenomenon sa productivity ng bansa.
Binigyang-diin ng senador na kailangan ang maagap at konkretong aksyon ng pamahalaan upang mapigilan ang patuloy na paghina ng ekonomiya.
Sinabi ni Gatchalian na bibigyang-prayoridad ng Senado, sa pamamagitan ng RISE Ad Hoc Committee, ang mga angkop na hakbang sa polisiya upang mapalakas ang paglago ng ekonomiya.
Kabilang dito ang pagpapabilis sa paggastos ng pamahalaan, partikular sa mga kinakailangang proyektong pang-imprastraktura, gayundin ang pagbibigay-prayoridad sa mga social protection program para sa mga sektor na higit na nangangailangan ng tulong.
Tiniyak din ng Senate President na pagtutuunan ng Senado ang pagpopondo sa mga probisyon sa panukalang 2027 national budget na direktang makatutulong sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga ordinaryong Pilipino na patuloy na nahihirapan sa mataas na presyo ng mga bilihin.
