![]()
TITIYAKIN ng liderato ng Senado na maaprubahan sa susunod na linggo ang panukalang magbibigay ng emergency powers kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang suspindihin o bawasan ang excise tax sa langis bunsod ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East.
Kasunod ito ng inilabas na urgent certification ni Pangulong Marcos sa panukala para sa mabilis na pagpapatibay ng hinihingi niyang emergency powers mula sa Kongreso.
Ayon kay Senate President Vicente Tito Sotto III, sa lalong madaling panahon o sa susunod na linggo ay ipapasa nila ang panukalang emergency powers.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Migz Zubiri na dahil sinertipikahan na ito ng Presidente ay aaprubahan agad ito sa susunod na linggo lalo’t prayoridad ito ng mataas na kapulungan.
Kapag anya naipasa na sa third reading ng Kamara ang kanilang bersyon ng emergency powers para sa Pangulo at maisumite na sa Senado ay agad itong aaksyunan ng mga senador.
