![]()
IGINIIT ni Senador Kiko Pangilinan ang pangangailangan na bumuo ng komprehensibong flood management plan at pagsasagawa ng full accounting ng public funds na inilalaan sa flood control projects.
Sinabi ni Pangilinan na hindi dapat normal ang baha at hindi dapat natatakot at nangangamba ang ating mga kababayan tuwing umuulan.
Pare-parehas aniya ang nakikitang eksena tuwing umuulan—binabahang mga kalsada, baha na pumapasok sa mga bahay at mga eskwelahan, at mga pamilyang kailangang lumikas.
Binigyang-diin ni Pangilinan na kailangan na ng pangmatagalan at pambansang flood management plan kung saan magkakaugnay ang mga proyekto at plano.
Ipinaliwanag ng senador na kahit gumastos ng bilyon-bilyon kung walang pagkakaugnay-ugnay ang flood control management plan, lulubog at lulubog pa rin ang mga kalsada at mga bahay sa baha.
Ang national flood management plan aniya ay dapat preventive, science-based, transparent at designed for long-term solutions.
Nanawagan din siya para sa complete accounting ng flood-control funds kasama na ang mga proyekto, lokasyon, gastos, contractors, implementation status at aktwal na resulta.
Binigyang-diin pa niya na karapatan ng bawat Pilipino na malaman kung saan napunta ang bawat pisong inilaan para sa flood control at dapat malinaw kung saan ito napunta at kung ano ang naging resulta.
