Wala sa detention center ng International Criminal Court (ICC) sa Scheveningen, The Hague, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Dating Executive Secretary Salvador Medialdea.
Sa panayam kay Medialdea, sa labas ng detention center, sinabi niya na hiniling nila sa ICC na dalhin si Duterte sa ospital, pagdating nila sa The Hague dahil sa hindi magandang lagay ng kalusugan ng dating pangulo,
Pumayag naman aniya ang ICC, subalit hindi pinaalam sa kanila kung saan ospital dinala ang dating chief executive.
Idinagdag ni Medialdea na kalaunan ay nalaman niya na wala sa loob ng detention facility si Duterte nang subukan niya itong bisitahin.
Nag-aalala si Medialdea dahil hindi niya alam kung nasaan si Duterte at hindi nito dala ang mga gamot nito.