![]()
LUMITAW sa impeachment trial na mayroong inisyung Letter of Authority kaugnay sa Run Against Tax Evaders ang Bureau of Internal Revenue laban kina Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Mans Carpio.
Sa cross-examination ng defense team, sinabi ni Atty. Anne Garcia-Marquez na inilabas ang LOA o ang kautusan upang busisiin ang book of accounts at tax records ng Bise Presidente para sa taong 2025 hanggang 2026, habang 2014 hanggang 2025 kay Carpio.
Gayunman, hindi na idinetalye ng BIR witness ang final action sa audit dahil confidential ang status nito.
Sa redirect examination naman, ipinaliwanag ni Garcia-Marquez na inisyu ang LOA kung may kailangang busisiin sa tax records.
Kinumpirma rin ng abogado mula sa BIR na mayroon silang Run Against Tax Evaders Program kung saan nagsasampa sila ng kaso kapag may nakita silang prima facie fraud sa tax evaders.
Sa cross-examination, kinuwestiyon din ang naging batayan ni Garcia-Marquez sa pagsasabing nagmula sa legal practice ang kita ni VP Sara noong 2023 kaugnay sa tinanggap nitong sahod mula sa Davao City Hall.
Sinabi ng testigo na ang assumption ng BIR na kumita si VP Sara mula sa legal practice ay dahil nakasaad sa Certification of Registration nito na mayroon siyang profession and legal services.
