![]()
Nagpaka-“Blooms” ang ilang senador sa sesyon kagabi sa adoption ng resolusyon na kumikilala sa makasaysayang performance ng P-pop sensation BINI sa Coachella Valley Music and Arts Festival sa California noong isang buwan.
Present sa sesyon ang walong miyembro ng BINI na sina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna, at Sheena at personal na tinanggap ang Senate Resolution 370.
Ayon kay Senador Bam Aquino, author ng resolution, tunay na naging “Cherry on Top” ang BINI sa kanilang performance.
Sinabi naman ni Senador Joel Villanueva na hindi lamang simpleng “Na Na Na” ang P-pop group kundi maituturing nang nation’s pride.
Sa panig ni Senador Erwin Tulfo, iginiit na pinatunayan ng BINI na sa buhay, bagama’t hindi ito isang “Karera,” malinaw na hindi tayo papahuli.
Binigyang-diin naman ni Senador Loren Legarda na ipinakita ng BINI na ang kulturang Pilipino ay hindi lamang “Salamin, Salamin” ng ating pagkakakilanlan kundi liwanag na kayang magniningning sa harap ng buong mundo.
