dzme1530.ph

Approval ng proposed 2025 budget ng DPWH, nakabinbin pa sa Senate Committee on Finance

Hindi pa nakalusot sa Senate Committee on Finance ang hinihinging ₱898-B budget ng Department of Public Works and Highways para sa susunod na taon.

Ayon kay Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe, marami pang tanong ang ibang mga senador kaugnay sa ipinapanukalang budget ng ahensya partikular sa mga programang may kinalaman sa pagbaha.

Sa pagtalakay sa panukalang budget, ipinunto ni Sen. Loren Legarda na sa ilalim ng 2025 proposed budget ng ahensya, ₱251.1-B ang inilaan para sa Flood Management Program o may katumbas na ₱688.5-M pondo kada araw.

Sinabi ni Legarda na ang pondo para sa programa ay mas malaki pa kumpara sa kabuuang budget ng ilang ahensya ng gobyerno partikular an Department of Social Welfare and Development na may ₱226-B; Department of Health na may alokasyong ₱217 billion; Department of Transportation na may ₱145 billion; at Department of Agriculture na may ₱111 billion.

Iginiit ng senador na sa kabila ng malaking pondong ito para sa Flood Management Program, nagaganap pa rin ang malawakang pagbaha, hindi pa rin masolusyunan ang mga baradong drainage sysrtem at hindi rin nade-dredge o nahuhukay ang mga ilog.

Tiniyak naman ni DPWH Sec. Manuel Bonoan na tuloy-tuloy ang pagresolba nila sa problema sa pagbaha partikular sa Metro Manila bagama’t may mga programa rin anya ang Metropolitan Manila Development Authority para rito. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author