![]()
Ipinag-utos ng Malacañang ang pagpapatupad ng alternative work at learning arrangements sa mga tanggapan ng pamahalaan at paaralan sa National Capital Region (NCR) at labintatlo pang lalawigan ngayong Huwebes.
Ayon sa Palasyo, ang implementasyon ng alternative work at learning arrangements ay kasunod ng rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa gitna ng patuloy na malakas na pag-ulan dulot ng pinaigting na habagat.
Alinsunod sa Memorandum Circular No. 135 na nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto, ang mga apektadong lugar ay ang Metro Manila, La Union, Pangasinan, Benguet, Bataan, Bulacan, Pampanga, Zambales, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Occidental Mindoro, at Oriental Mindoro.
Inatasan din ng Malacañang ang mga ahensya na naghahatid ng basic at health services, disaster preparedness and response, at iba pang mahahalagang serbisyo na ipagpatuloy ang kanilang operasyon.
Ipatutupad ang alternative modes para sa mga klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa mga apektadong lugar, maliban kung mag-aatas ng iba ang local executives.
Maaari ring ipag-utos ng local chief executives ang localized suspension ng mga klase o trabaho sa gobyerno sa ibang mga lugar.
