![]()
Ipinaalala ng mga eksperto sa publiko na maging mapanuri sa pagpili ng tamang fish oil supplement sa gitna ng dumaraming produkto sa merkado.
Ang fish oil ay kilala sa taglay nitong omega-3 fatty acids, partikular ang E.P.A at D.H.A, na mahalaga sa kalusugan ng puso, utak, at mga kasu-kasuan.
Subalit ayon sa mga nutritionist, hindi lahat ng fish oil supplements ay pare-pareho ang kalidad.
Isa sa mga dapat tingnan ay ang dami ng E.P.A at D.H.A sa bawat kapsula, hindi lamang ang kabuuang nilalaman ng fish oil.
Mas mataas na antas ng E.P.A at D.H.A ang mas nakikitang may benepisyo sa katawan.
Mahalaga rin na pumili ng mga produktong dumaan sa third-party testing upang matiyak na ito ay malinis at walang halong mapanganib na contaminants tulad ng mercury at iba pang heavy metals.
Pinapayuhan din ang mga mamimili na suriin ang uri ng fish oil—kung ito ay natural triglyceride form o ethyl ester—dahil mas madaling ma-absorb ng katawan ang natural na anyo.
Dapat ding isaalang-alang ang petsa ng paggawa at expiration date ng produkto, sapagkat ang fish oil ay maaaring masira at maging rancid, na posibleng magdulot ng masamang epekto sa kalusugan.
Samantala, binigyang-diin ng mga doktor na hindi dapat umasa lamang sa supplements. Mas mainam pa rin ang pagkuha ng omega-3 sa natural na pagkain tulad ng mga matatabang isda gaya ng salmon, sardinas, at tuna.
Pinapaalalahanan din ang publiko na kumonsulta muna sa doktor bago uminom ng anumang supplement, lalo na kung may kondisyon sa kalusugan o umiinom ng iba pang gamot.
