![]()
AMINADO si Senador Panfilo Lacson na nakukulangan siya sa aksyon ng administrasyon laban sa mga umano’y anomalya sa flood control projects, mag-iisang taon matapos sitahin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang mga tiwali at sabihang, “Mahiya naman kayo.”
Para kay Lacson, may naging aksyon ang administrasyon ngunit kulang pa ito.
Inihayag ni Lacson na hindi niya alam kung paano maaangkin ng gobyerno ang anumang accomplishments kaugnay ng pag-aksyon laban sa flood control scam kung hindi dahil sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa ilalim ng kanyang pamumuno, sa dalawa niyang privilege speeches, at sa aniya’y matibay na determinasyon at paninindigan ni Ombudsman Boying Remulla.
Ayon kay Lacson, sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay nahalukay ang maraming testimonial at documentary evidence.
Kinilala rin ni Lacson ang kontribusyon ng media at mga netizen dahil, aniya, nahikayat ang publiko na magalit sa umano’y pag-abuso sa pondo ng bayan, batay sa mga naging kilos-protesta tulad ng Trillion Peso March.
