Ipagpapatuloy ng Ako Bicol Party-list ang mga programang isinusulong nito sa Kongreso bilang pangunahing layunin ng partido sa muling paghahain ng Certificate of Nomination and Acceptance (CONA).
Pinangunahan nina Ako Bicol Party-list Cong. Zaldy Co at Exec. Dir. Alfredo ‘Pido’ Garbin ang paghahain ng kandidatura sa Commission on Elections para sa Halalan 2025.
Nabatid na naging instrumento ang partido sa pagpapatupad ng mga proyektong naging kapaki-pakinabang sa publiko.
Kabilang dito ang pagpapagawa ng mga lansangan at tulay, ospital, school buildings, solar street lights, solar-powered water and irrigation projects, pabahay, trabaho sa mga disadvantaged workers, at mga ayuda tulad ng assistance to individuals in crisis situations, medical assistance for indigent patients at ayuda sa kapos ang kita program.
Ayon kay Garbin at Co, patuloy nilang ipaglalaban ang pondo para sa mga nabanggit na proyekto kasabay nang pagsusulong sa transparency at tamang paggamit ng pondo ng pamahalaan.
Kaugnay nito, magpapatuloy din ang kanilang panawagan kay Vice President Sara Duterte-Carpio na dumalo sa mga pagdinig sa Kongreso upang ipaliwanag sa taumbayan kung papaanong ginastos ang budget at confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education na noo’y pinamumunuan nito. —ulat mula kay Felix Laban, DZME News