dzme1530.ph

PAGKAKALOOB NG UNEMPLOYMENT INSURANCE SA MGA NAWALAN NG TRABAHO, IGINIIT

Loading

Isinusulong ni Senador Joel Villanueva ang pagkakaroon ng mas matibay na suporta ng gobyerno para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho, kabilang ang pagkakaroon ng unemployment insurance.

Sa plenary deliberations sa panukalang 2027 budget ng Department of Social Welfare and Development, tinanong ni Villanueva kung may mga programa ang ahensya na makatutulong sa mga worker na biglang na-displace o nawalan ng hanapbuhay.

Binigyang-diin ng senador na mahalagang magkaroon ng unemployment insurance upang matiyak na may tuluy-tuloy na suportang pinansyal ang mga manggagawang nawalan ng trabaho habang naghahanap ng bagong employment.

Sa pagtugon, inamin ni Senador Risa Hontiveros, na sponsor ng DSWD budget, na wala pa sa bansa ang isang komprehensibong unemployment insurance program na magbibigay ng mas matibay na social protection sa mga biglaang nawalan ng trabaho.

Sa ngayon, kabilang sa mga programa ng DSWD na maaaring lapitan ng mga nangangailangang manggagawa ang Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS at ang TUPAD program na nagbibigay ng pangkabuhayan at emergency employment sa mga disadvantaged at displaced workers.

Binanggit din ni Hontiveros ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport o UPLIFT program para sa mga public transport driver.

Ayon sa senador, nasa 90% ng dalawang milyong benepisyaryo ang nagsabing nakatutulong ang programa sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon, kabuhayan at pagtugon sa pangangailangan ng pamilya.

Iginiit naman ni Villanueva na dapat mas palakasin ang mga programa ng gobyerno upang hindi mapabayaan ang mga manggagawang nawalan ng trabaho at matiyak na may sapat na suportang matatanggap habang sila ay nagsisimulang muli.

About The Author