![]()
Muling iginiit ni Senador Imee Marcos ang pagpapalaya sa mga Person Deprived of Liberty o PDL na lolo at lola o mga nasa edad 70 pataas.
Sa pagtalakay sa panukalang budget ng Department of Justice, iginiit ni Marcos na mahalagang ma-decongest ang mga piitan at isa sa paraan ay ang mas mabilis na pagpapalaya sa matatandang detainee.
Ipinaalala ng senadora na malinaw ang panuntunan sa executive clemency kaya hindi dapat tumatagal ang proseso.
Ang iba aniya ay may mga sakit na malala at habang ang ilan ay hinihintay na ng kanilang mga pamilya.
Inihalimbawa ng mambabatas na sa Women’s Correctional sa Mandaluyong, nasa 3,297 ang inmates kung saan ito ay para lamang sana sa 1,008 inmates o 327% na overcrowded.
Sa ngayon, 54 detainees ang naghihintay na makalaya habang 500 hanggang 800 ang qualified na sa executive clemency.
Ipinaliwanag naman ni Senador Kiko Pangilinan, sponsor ng budget ng DOJ, na magpupulong ang Office of the President sa December 7 para mas mapadali ang proseso, lalo na sa mga nakapending ngayon.
