dzme1530.ph

DOLLAR ACCOUNT NI VICE PRESIDENT SARA DUTERTE, KINUMPIRMA NG BPI

Loading

Kinumpirma ng Bank of the Philippine Islands sa sulat nito sa Senate Impeachment Court ang naging dollar accounts ni Vice President Sara Duterte.
 
Ito ay nang iatras ng defense team ni VP Sara ang pagsalang sa Impeachment Court ng opisyal ng BPI.
 
Sinabi ni Atty. Michael Wesley Poa, defense team member at spokesperson, na hindi na nila iniharap si BPI Vice President and Legal Department Head Atty. Paul Roderick Ysmael dahil mag-o-authenticate lang naman ito sa kanyang sulat sa kanilang bangko na inamin na niya sa Impeachment Court.
 
Sinabi ni Atty. James Bryan Alih, private prosecutor, na isyu na ito sa prosecution dahil may mga katanungan sana sila sa bank officer ukol sa bank records at mayroon silang gustong i-highlight tulad ng isang sulat mula sa BPI kung saan kinumpirma na nagkaroon ng dollar accounts si VP Duterte.
 
Hindi anya na-examine ng prosecution ang dokumento ukol dito dahil hindi kasama ang dollar accounts sa naunang ipina-subpoena ng Impeachment Court.
 
Ito ang dahilan kaya’t nais nilang mabulatlat sa kanilang cross-examination kung ihaharap ang BPI officer.
 
Matatandaang sa BPI Julia Vargas Branch tinukoy na may dalawang joint time deposit sina VP Sara at amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
 
Na-highlight ito sa impeachment trial dahil inilipat sa manager’s checks ang deposito para umano hindi makita sa year-end balances ng accounts.

About The Author