dzme1530.ph

MGA OPISYAL NG PAMAHALAAN, HINIMOK NA HUWAG NANG HINTAYIN ANG 2028 ELECTIONS BAGO LUTASIN ANG PROBLEMA SA EKONOMIYA

Loading

Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga kapwa opisyal ng gobyerno na isantabi ang bangayan sa pulitika at magtulungan sa paglutas ng mga problema sa ekonomiya, sa halip na hintayin pa ang 2028 elections habang patuloy na naghihirap ang mga Pilipino.
 
Hinimok ng senador ang administrasyon, oposisyon, at mga pinuno ng iba’t ibang sektor na magkaisa sa paghahanap ng mga solusyon, lalo na ngayong maraming Pilipino ang nahihirapang humanap ng trabaho at tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
 
Iginiit ito ni Cayetano kasunod ng mga diskusyon tungkol sa mga nakaraan at kasalukuyang panukalang national budget, anomalya sa flood control, at impeachment trial, habang patuloy na nahihirapan ang mga Pilipino dahil sa mga problema ng ekonomiya.
 
Nababahala ang senador sa magiging kalagayan ng ekonomiya sa mga susunod na taon, kabilang ang pagbaba ng tiwala ng publiko sa mga opisyal ng gobyerno na nakaaapekto rin aniya sa kumpiyansa ng mga negosyante.
 
Nilinaw ng senador na mahalagang patuloy na bantayan at punahin ng oposisyon ang mga katiwalian at maling gawain ng pamahalaan.
 
Gayunman, hindi aniya nagiging dahilan ang anumang pagkakaiba para maisantabi ang kapakanan ng mamamayan.
 
Sa gitna ng mga hamon sa bansa, hinikayat ni Cayetano ang mga Pilipino na manatiling matatag sa kanilang pananampalataya at magmalasakit sa isa’t isa.

About The Author