![]()
Bukod sa pagkilala sa mga naabot ni Filipina tennis star Alex Eala, layunin din ng “Alex Eala Live: Game. Set. Celebrate” na gamitin ang inspirasyong hatid ng kanyang tagumpay para tulungan at hubugin ang mga susunod na henerasyon ng Filipino athletes.
Tampok sa exhibition match na gaganapin sa Dec. 8, 2026, sa Philippine Arena sa Bulacan, sina Eala at Indonesian tennis standout Janice Tjen.
Magsisilbi itong platform upang isulong ang grassroots tennis development at mabigyan ang mas maraming Pinoy ng pagkakataon na makapaglaro ng tennis.
Sa pakikipagtulungan ng Philippine Tennis Association (PHILTA), nais ng event organizer na Tatler na palawakin ang pakinabang ng okasyon, higit pa sa mismong laban, sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng ticket sa mga lokal na komunidad at mga kabataang nangangarap na maging tennis player.
Bukod dito, 100% ng kikitain mula sa pagbebenta ng official event merchandise ay ido-donate sa tennis grassroots program ng PHILTA, na sumusuporta sa mga programa upang mailapit ang tennis sa mga komunidad na kulang sa oportunidad at pasilidad.
Binigyang-diin ni PHILTA Secretary General John Rey Tiangco ang kahalagahan ng paggamit ng tagumpay ni Eala upang makapaghubog pa ng mas maraming talento sa Philippine tennis.
