![]()
Madalas bang bumahing, mangati ang ilong, at magkaroon ng baradong ilong kahit hindi naman nakakaramdam ng lagnat?
Maaaring ito ay senyales ng allergic rhinitis, isang kondisyon kung saan nagkakaroon ng allergic reaction ang katawan sa mga bagay na karaniwang hindi naman nakapipinsala.
Kabilang sa mga karaniwang trigger nito ang alikabok, dust mites, pollen, amag, at mga balat na nalalaglag mula sa mga alagang hayop.
Kapag nakapasok ang mga allergen na ito sa ilong, nagre-react ang immune system at nagdudulot ng mga sintomas ng allergy.
Kabilang sa mga sintomas ng allergic rhinitis ang paulit-ulit na pagbahing, pangangati ng ilong at lalamunan, pagtulo o pagkabara ng ilong, at pamumula at pagluha ng mga mata.
Hindi ito katulad ng karaniwang sipon na sanhi ng virus. Maaaring magpatuloy ang allergic rhinitis sa loob ng ilang linggo o maging sa buong taon, depende sa allergen na nagpapalabas ng mga sintomas.
Upang maibsan ang kondisyon, pinapayuhang iwasan hangga’t maaari ang mga bagay na nagpapalala ng allergy. Panatilihing malinis ang bahay, punasan ng basang pamunas ang mga kasangkapan upang maiwasan ang paglipad ng alikabok, at labhan nang regular ang mga kumot at punda.
Maaari ring makatulong ang saline nasal spray o pagbanlaw sa ilong gamit ang angkop na saline solution. Para sa mga gamot gaya ng antihistamines at steroid nasal sprays, mahalagang humingi ng payo sa doktor o pharmacist upang matukoy kung ano ang angkop sa iyong kondisyon.
Pinayuhan din ang mga nakararanas ng madalas o matinding sintomas na magpakonsulta, lalo na kung naaapektuhan na ang kanilang pagtulog, pag-aaral o trabaho, o kung hindi umi-epekto ang mga karaniwang gamot.
Ang allergic rhinitis ay maaaring makontrol sa pamamagitan ng tamang pag-iwas sa mga allergen at angkop na gamutan.
