![]()
ISINUSULONG ni Senador JV Ejercito ang dalawang panukalang naglalayong palakasin ang transparency at accountability sa paggastos ng pamahalaan sa pamamagitan ng mas malawak na partisipasyon ng mamamayan.
Kabilang dito ang Senate Bill Number 2576 o ang proposed Bantay Budget Act na naglalayong magtakda ng mekanismo para sa partisipasyon ng civil society organizations o CSOs sa paghahanda at pagtalakay ng pambansang badyet.
Sa ilalim ng panukala, papayagang lumahok ang mga accredited CSOs bilang resource persons sa mga budget hearing sa Kongreso, magsumite ng position papers at alternatibong panukala sa budget, at magbigay ng rekomendasyon sa mga proyekto at programa ng gobyerno.
Inaatasan din ng panukala ang House Committee on Appropriations at Senate Committee on Finance na magtakda ng hindi bababa sa isang araw ng pagdinig para sa mga posisyon ng mga akreditadong CSOs.
Samantala, layon naman ng Senate Bill Number 2577 o ang proposed Grassroots Participatory Budgeting Act na maisama sa mga plano sa pagba-budget ng pamahalaan ang mga pangangailangan at prayoridad na tinutukoy ng mga komunidad.
Sa ilalim nito, inaatasan ang mga barangay, bayan, lungsod at lalawigan na magsagawa ng dalawang konsultasyon taon-taon kasama ang mga CSOs.
Ayon kay Ejercito, mahalagang makilahok ang mga organisasyong direktang nakikipag-ugnayan sa mga komunidad dahil mayroon ang mga ito ng karanasan at kaalaman sa tunay na pangangailangan ng mga mamamayan.
