![]()
Halos tatlumpung katao, patay sa pagbagsak ng bubungan ng isang paaralan sa Pakistan
Hindi bababa sa dalawampu’t pitong mag-aaral na karamihan ay mas bata sa labintatlong taong gulang ang nasawi sa Pakistan, kasama ang kanilang guro.
Ito ay nang bumagsak ang bubungan ng isang paaralan sa kalagitnaan ng klase sa northwestern city ng Peshawar.
Nangangamba ang mga awtoridad na posibleng tumaas pa ang death toll.
Ayon sa district emergency officer, nasa apatnapu’t limang bata ang naialis mula sa mga guho sa Al-Khair Education Center School.
Dalawampu sa mga nasugatan at karamihan ng mga nasawi ay dinala sa Lady Reading Hospital sa lungsod.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng trahedya.
