![]()
IGINIIT ni Senador Bam Aquino ang muling pag-convene ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee upang matiyak ang whole-of-government na paghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño.
Nakasaad ito sa sulat ni Aquino kay Senate President Sherwin Gatchalian.
Ang PROTECT Committee, na pinamumunuan ni Gatchalian, ay binuo noong March 2026 para sa pagbalangkas ng komprehensibong national framework para sa pagtugon sa epekto ng gulo sa Middle East, partikular sa suplay ng langis at ekonomiya ng bansa.
Binigyang-diin ni Aquino ang kailangang matiyak ang pagkilos ng gobyerno para maprotektahan ang mga Pilipino mula sa potensyal na epekto ng Super El Niño, partikular sa kabuhayan, edukasyon, agrikultura, kalusugan, pagkain, seguridad, maliliit na negosyo at essential services.
Makakatulong aniya ang PROTECT Committee para matiyak na handa ang gobyerno na magbigay ng agarang tulong at ayuda sa mga apektadong sektor.
Ngayong may mga ulat na rin aniyang tataas ang presyo ng kuryente, kailangan tukuyin kung ano ang gagawin para matiyak ang supply at tuluyang maibaba ang singil sa ating mga kababayan.
Binigyang-diin ni Aquino na dapat maglatag ang Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) ng mga hakbang para maprotektahan ang mga estudyante at guro mula sa matinding init at matiyak ang pagpapatuloy ng pag-aaral sakaling magkaroon ng mga pagkaantala o kanselasyon.
