![]()
Sinuri ng Department of Budget and Management (DBM) at University of the Philippines Manila ang mga modernong pasilidad at kagamitang nagkakahalaga ng ₱88.8 milyon para sa pagsasanay ng mga susunod na doktor, nurse at iba pang health professionals.
Pinangunahan nina DBM Secretary Kim Robert C. de Leon at UP Manila Chancellor Dr. Michael L. Tee ang inspeksiyon ngayong Biyernes, Oktubre 9.
Kabilang sa mga pasilidad ang Skills Laboratory ng College of Medicine na nagkakahalaga ng ₱33.8 milyon, Skills and Simulation Laboratory ng College of Nursing na ₱45.8 milyon, at Smart Classrooms ng College of Allied Medical Professions na may halagang ₱10 milyon.
Sa pamamagitan ng mga laboratoryo at makabagong kagamitan, mas nahahasa ang kaalaman at praktikal na kakayahan ng mga estudyante bago sila humarap sa aktuwal na mga pasyente.
Ayon kay De Leon, mahalaga ang libreng matrikula upang mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming kabataang Pilipino na makapagtapos ng kolehiyo. Gayunman, kailangan ding tiyakin na may sapat na kagamitan at maayos na pasilidad ang mga unibersidad upang mapanatili ang kalidad ng edukasyon.
Para naman kay Tee, ang suporta ng pamahalaan sa UP Manila ay nakatutulong hindi lamang sa edukasyon at pananaliksik kundi pati sa paghahanda ng mga propesyonal na maglilingkod sa sektor ng kalusugan sa buong bansa.
Binigyang-diin din niya na kaakibat ng paggamit ng pondo ng bayan ang pananagutang tiyaking nagbubunga ito ng tunay na pakinabang sa publiko.
