![]()
Hinikayat ni Senador JV Ejercito ang mga graduates ng Polytechnic University of the Philippines o PUP na pangalagaan ang kanilang integridad at iwasan ang katiwalian sa pagsisimula ng kanilang professional careers.
Sa kanyang mensahe sa commencement exercises, sinabi ni Ejercito na matagal bago mabuo ang reputasyon ng isang tao, subalit sa loob lamang ng ilang segundo ay puwede na itong masira.
Nangako rin ang senador ng suporta sa pagpopondo para makumpleto ang siyam na palapag na North Wing Building ng PUP, na layong magdagdag ng espasyo at resources para sa lumalaking bilang ng mga estudyante.
Bilang dating mayor ng San Juan, isinulong ni Ejercito noong 2008 ang pagtatatag ng PUP San Juan Campus upang magkaroon ng mas malawak na access sa dekalidad at abot-kayang higher education ang mga taga-San Juan.
