dzme1530.ph

MABILIS, INDEPENDENT, AT MASUSING IMBESTIGASYON SA NASUNOG NA FERRY SA CORON, PALAWAN, IPINANAWAGAN

Loading

Nanawagan si Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan ng mabilis, independent, at masusing imbestigasyon sa pagkasunog ng M/V June Aster sa Coron, Palawan.

Kasabay nito, nagpahayag ng pakikidalamhati ang senador sa mga pamilya ng mga nasawi at nakikiisa sa mga naghihintay pa rin ng balita tungkol sa kanilang mga nawawalang mahal sa buhay.

Ayon kay Pangilinan, kailangang matukoy ng imbestigasyon ang tunay na sanhi ng insidente, ang lahat ng pagkukulang, at ang mga dapat managot, gayundin ang mga repormang dapat ipatupad upang maiwasan ang kaparehong trahedya.

Binigyang-diin pa niya na bilang isang bansang arkipelago na may libu-libong pasaherong bumibiyahe sa mga pantalan araw-araw, pangunahing pananagutan ng pamahalaan ang kaligtasan sa paglalayag.

Iginiit ng senador na dapat tiyakin ng mga regulator, Port Authority, mga operator ng barko, at mga tripulante na ligtas bumiyahe ang bawat sasakyang pandagat sa pamamagitan ng maayos na fire-prevention at fire-suppression systems, sapat na life-saving equipment, malinaw na emergency exits, tamang passenger manifest, at wastong pagsasanay ng mga tripulante.

Layunin aniya ng mga reporma ang mas ligtas na mga barko, mas mahigpit na inspeksyon, mas mabilis na emergency response, at maibalik ang tiwala ng publiko sa paglalakbay sakay ng mga ferry sa buong bansa.

About The Author