![]()
Walang anumang nakatakdang operasyon o invasive medical procedure si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez, ayon sa overall coordinator ng kanyang medical team na si Dr. Rosalio Torres.
Ginawa ni Torres ang testimonya, kanina, sa ikalawang araw ng hearing ng Sandiganbayan sa motion ni Romualdez na humihiling ng hospital detention, sa kabila ng kinakaharap na 7.4-billion peso plunder case kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Gayunman, nang tanungin ito ng prosekusyon kung walang seryosong banta sa buhay ng kongresista na nangangailangan ng agarang interventions, sinabi ng doktor na hindi ito umaayon sa naturang statement.
Base aniya ito sa evaluation at recommendation na pinag-usapan nila ng kanyang consulting specialists, cardiologists, neurologists, at psychologists.
Sa testimonya naman ni Dr. Rody Sy, cardiologist ni Romualdez, inihayag nito na kailangang dalhin sa ospital ang dating speaker na may angiographic facilities sa loob ng isang oras sa sandaling makaranas ito ng heart attack.
Nilinaw din kanina ni Dr. Kurt Sibayan, admitting physician sa Cardinal Santos Medical Center, na hindi na niya ineksamin si Romualdez dahil naroon ang attending physicians nito.
Ginawa ni Sibayan ang paglilinaw matapos ihayag kahapon sa korte na sinabihan sila ng attending physicians ng mambabatas na hindi sila maaaring pumasok sa silid ng pasyente.
