dzme1530.ph

DALAWA HANGGANG TATLONG EKSPERTO SA BATAS, POSIBLENG IMBITAHAN SA PAGTALAKAY SA VOTING THRESHOLD SA IMPEACHMENT CASE LABAN KAY VP SARA

Loading

NASA dalawa hanggang tatlong amicus curiae o “friends of the court” ang posibleng imbitahan ng Impeachment Court para tumulong sa pagresolba sa kontrobersiya sa voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
 
Ayon kay Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, kabilang sa mga iimbitahan ang mga retiradong mahistrado ng Korte Suprema at iba pang legal luminaries, lalo na ang mga eksperto sa constitutional law.
 
Hindi naman aniya maaaring maging amicus curiae ang mga kasalukuyang mahistrado ng Supreme Court dahil posibleng umakyat sa Korte Suprema ang usapin tungkol sa voting threshold.
 
Ayon kay Tongol, wala pa silang pinal na listahan ng mga iimbitahan pero maaari itong ilabas anumang araw ngayong linggo.
 
Hindi rin inaalis ni Tongol ang posibilidad na ipaubaya sa Korte Suprema ang pagresolba sa usapin ng voting threshold.
 
Maaari anyang ihayag ng isang amicus curiae ang pananaw na hindi na dapat bumoto ang mga senator-judge at sa halip ay hayaang ang Supreme Court ang magdesisyon sa isyu.
 
Itinakda ni Impeachment Court Presiding Officer Francis Chiz Escudero sa September 16 ang pagharap ng mga amici curiae habang sa September 23 ang oral arguments ng prosecution at defense panels na susundan ng pagboto ng mga senator-judges.

About The Author