![]()
Kinumpirma ni Atty. Ade Fajardo, tagapagsalita ni former Speaker Martin Romualdez, ang pagsusumite ng supplemental counter-affidavit sa Ombudsman.
Kalakip nito ang sworn statements ng 25 dating drivers at security aides ni dating Congressman Zaldy Co.
Kinumpirma rin ni Atty. Fajardo na isasama nila ang napabalitang pagbaliktad ni Orly Guteza, ang dating sundalo na bodyguard ni Co.
Sa bagong affidavit, binaligtad nila ang lahat ng naging pahayag ng “18 Maleta Boys” na prinisinta ni Atty. Levito Baligod.
Wala umanong naganap na delivery ng pera sa sinumang pulitiko o opisyal ng gobyerno, kabilang na si Romualdez.
Hinikayat lamang umano sila na sumali sa grupo ng mga testigo kapalit ng pera.
Sa bagong affidavit ni Guteza, idinetalye nito kung paano siya hinikayat na pumirma sa salaysay na nag-uugnay kay Romualdez bilang “missing link” umano sa flood control controversy.
Ayon kay Fajardo, magkakasalungat ang mga kuwento dahil may bumabawi at may mga bagong saksi na nagsasabing wala silang personal na kaalaman sa mga akusasyon.
Subalit ang malinaw, ayon kay Fajardo, wala umanong ebidensya laban kay Romualdez at may mga taong nag-udyok at namilit sa mga testigo na idawit ang dating House leader.
