![]()
IPINALIWANAG ni Impeachment Court Spokesman Atty. Reginald Tongol na dedepende sa magiging desisyon ng Impeachment Court sa motion for judicial notice ng House Prosecution Panel ang pagpapa-subpoena kay Marivic Pareja, ang director ng House Legislative Information Resources Management Department.
Sinabi ni Tongol na nakapending pa ang mosyon ng prosekusyon na tanggapin na ng korte ang records at transcript ng ginawang pagdinig ng Quad Comm ng Kamara kaugnay sa mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte.
Ipinaliwanag ni Tongol na kapag inaprubahan ang motion for judicial notice ay maaaring hindi na ipatawag si Pareja.
Ito ay dahil ang magiging tanong din sa kanya ay may kinalaman sa mga records ng Kamara sa ginawang pagdinig.
Kasabay nito, kinumpirma ni Tongol na wala pang naibibigay ang korte sa defense at sa prosekusyon na kopya ng mga isinumiteng dokumento ng Bureau of Internal Revenue at Anti-Money Laundering Council.
Ito ay kahit tapos na ang pag-review ng Clerk of Court at Presiding Officer sa mga dokumentong isinumite.
Bukas ay magpapatuloy pa ang pagsalang ng state auditor na si Roderick Wamil para naman sa pagtatanong o interjection ng mga senator-judges, habang sa susunod na linggo ay ipatatawag ang kasalukuyang State Auditor ng COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office na si Xylene del Campo.
